March 11, 2025

Sa mga nakaraang taon, ang pagbabasa ay itinuturing na isang mahalagang susi sa pag-unlad ng bawat isa. Sa bawat aspeto ng buhay ay tunay na napakahalaga ng pagbabasa, nasa loob ka man o labas ng paaralan. Subalit, sa pagdaan ng panahon ay unti-unting nalugmok ang mga kabataan sa paglalaro’t paggamit lamang ng mga gadget, at tuluyan ng kinalimutan ang diwa ng pagbabasa at tila unti-unti nang nakakalimutan ang kahalagahan ng pagbabasa.

Batay sa pahayag ng Education Program Supervisor ng Isabela, Jay J. Gallegos ay 54.46% lamang ang literacy rate o antas ng pagbabasa’t pagsusulat sa Isabela, mababa ito kumpara sa target na antas ng Isabela na 75%. Sa kabilang banda, tumaas naman ang antas simula noong 2022 na may 46.60%. Ngunit idinagdag niya na, sa kabila ng pagtaas ng antas ay hindi dapat tayo pakampante sapagkat ito ay mababa kumpara sa target na antas.

Sa mababang antas ng ating literasi, dapat nga ba itong iasa sa mga kakayahan ng mga guro’t materyales sa pag-aaral o sadyang ang mga mag-aaral lamang ang problema? Sa panahon ngayon ay unti-unti ng lumalaganap ang paggamit ng Artificial Intelligenceo AI, batay din sa ulat ng Inquirer.net ay nasa 46% ng mga Filipino ang gumagamit ng AI, dahil dito ang mga mag-aaral ay nasasanay na sa presensiya ng AI na siyang tumutulong sakanilang pag-aaral sa kahit anong asignatura.

Isang malaking salik sa pagbagsak ng antas ng pagbabasa at pagsusulat sa ating bansa ang malawakang paggamit ng mga modernong gadget at teknolohiya. Habang ang mga kabataan ngayon ay mas abala sa paglalaro ng mga online games, paggamit ng social media, at panonood ng mga video, ang pagbabasa ng mga libro, komiks, at pahayagan ay tila napag-iiwanan na. Isang hamon sa ating lipunan ang mapanatili ang tradisyon ng pagbabasa bilang bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay.

Ang AI ay hindi isang plataporma na siyang magtuturo sa mga mag-aaral na maging batugan at dumipende sa gawa ng iba dapat tumulong sa ating mag-aaral na matuto. Nararapat na mayroong balanseng paggamit ng AI upang patuloy pa rin ang pagdagdag ng kaalaman at karunungan.

Kaya naman, ang antas ng literasi ay hindi lamang nakasalalay sa mga guro’t materyales kundi ang pagsusumikap ng mga mag-aaral na matuto’t magbasa. Ang pagsasanib pwersa ng makabagong teknolohiya,kung meron man, at kakayahan ng mga gurong ituro ito ng tama ay mahalagaupang sumibol ang tunay na kasanayan ng pagbabasa’t pagsusulat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *