March 11, 2025

Sa pagdaan ng pandemya ay unti-unting bumaba ang antas ng literasi ng mga mag-aaral, kaya minsa’y naisisisi sa dalawang taong pamamalagi ng mga mag-aaral sa kanilang tahanan sa kanilang kakulangan sa abilidad sa pagbabasa’t pagsusulat. Masasabi ring naapektuhan ang mga guro sa kanilang pagtuturo sapagkat sila ay nagbigay aral gamit ang paraan na hindi nila kabisado.

Sa pahayag ni Jay J. Gallegos, Education Program Supervisor ng Isabela ay ang teachers competence o ang kakayahan ng isang guro na maituro nang maayos ang mga aralin, kasama na rin dito kung anong klase ng tanong ang ibinabato nila sa kanilang mag-aaral. Nararapat na makapagbigay sila ng mga tanong na gagamitan ng kasanayang kritikal na pag-iisip upang mahasa ang pag-unawa ng mga mag-aaral na siyang tutungo sa mas mataas ng literasi.

Bukod pa rito, ang kakulangan sa mga materyales na may kalidad at ang hindi pagkakaroon ng sapat na mga pasilidad at resources sa mga paaralan ay nagdagdag sa problema. Kung ang isang guro ay hindi nabigyan ng sapat na pagsasanay sa mga makabago at epektibong pamamaraan ng pagtuturo, magiging mahirap para sa kanila na matulungan ang mga mag-aaral na makamit ang kinakailangang antas ng literasi. Ang mga materyales sa pagtuturo-pagkatuto ay epektibo sa pagpapahusay ng proseso ng pagkatuto. Nakakatulong itong pasiglahin ang mga pandama, mapabuti ang pang-unawa at pag-alala, at gawing mas kasiya-siya at kapana-panabik ang pagkatuto.

Sa kabilang banda, isa rin ang pagkakaroon ng tahimik at mapayapang komunidad sa paaralan dahil kung ang mga paaralan ay may kapaligiran na sumusuporta sa emosyonal at sosyal na pangangailangan ng mga bata, mas magiging bukas sila sa pagkatuto at mas magiging matagumpay sa kanilang edukasyon.

Ang pagbabalik ng literasi ng mga mag-aaral ay mangyayari lamang kung magkakaroon ng malawakang hakbang mula sa mga guro, paaralan, at pamahalaan upang matugunan ang mga isyung ito. Ang tamang pagsasanay para sa mga guro, sapat na materyales, at mga kapaligirang sumusuporta sa holistic na pag-unlad ng mga bata ay mga mahalagang salik sa pagpapaunlad ng literasi at pagtiyak ng tagumpay ng mga mag-aaral sa kanilang edukasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *