March 13, 2025

Sa bawat katagang “ang daming gagawin” mayroon nga bang natututunan. Sa siyam na oras na pananatili sa paaralan nahahasa nga ba ang kaalaman. Aanhin natin ang napakaraming gawain at mahabang oras na pag-upo sa tahanan ng karunungan kung ayon naman sa ulat ng Programme for International Student Assessment (PISA) ay kulelat tayo kumpara sa ibang nasyon.

Batay sa resulta ng PISA nasa ika-77 ang Pilipinas sa 81 na bansang kasali sa Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD). Para saan pa ang pag-aaral kung patuloy tayong napag-iiwanan ang kalidad ng Edukasyon ng Pilipinas?

Dahil dito ay nagpatupad ang SDO Isabela ng mga programa upang pataasin ang antas ng literasi upang mas matuto ang mga mag-aaral sa pa-intindi sa mga gawaing pangmatematika, agham at pagbabasa. Kasama na rito ang paghahatid ng mga tutor o magtuturo sa mga malalayong lugar, pagsasanay sa mga guro upang makapagturo ng maayos, Project Science and Technology upang matuto ang mga mag-aaral sa paggamit ng makabagong teknolohiya at Agham, isa pang proyekto nila ang Mathalino upang mahasa ang kakayahan ng mga mag-aaral sa Matematika.

Ang pagbaba ng antas ng literasi ay isang hudyat na hindi sapat ang napakaraming gawain kung hindi naman ito mabisa’t epektibo upang palawakin ang karunungan. Mas mahalaga ang kalidad kaysa sa dami. Ang katalinuhan ay hindi lamang patungkol sa haba ng oras na ginugugol sa pag-aaral, ito ay patungkol sa kung gaano kalalim ang pag-unawa at aplikasyon ng kaalaman para sa kinabukasan.

Galing sa resulta PISA noong taong 2022, 355 na puntos ng Pilipinas sa matematika na mababa kumpara sa mga bansang miyembro ng The Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) gaya ng Singapore, Macao (China), Japan, Hong Kong (China), Chinese Taipei and Estonia. 

347 na puntos sa pagbasa ngunit kumpara sa ibang bansa na may 476 na karaniwang score, lalo na sa Singapore na may 543. Sa Agham nama’y mayroon tayong 356 na puntos sa Singapore naman ay 561 na puntos. 

Batay sa datos, kumpara sa mga ibang bansa ay lubos tayong nahuhuli’t napag-iiwanan. Kailangan natin ng sistema ng edukasyon n inuuna ang pangangailangan ng mag-aaral, hindi isang sistemang nagpapahirap sa kanilang paniniwalang “mas marami, mas mabuti.” Dapat pagtuunan ng pansin ang epektibong pamamaraan ng pagtuturo, kritikal na pag-iisip at tunay na pagkatuto, hindi ang napakaraming gawain na hindi namn nakakatulong upang maging bihasa.

Oras na upang tanungin natin ang sarili, para saan nga ba ang edukasyon? Para ba ito sa tunay na pagkatuto o para lamang sa tradisyong pagkahapo’t kalbaryo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *