March 11, 2025

CABATUAN, Isabela – Target ng Schools Division Office (SDO) of Isabela, na matamo ang 75 porsyentong literacy and numeracy rate sa taong 2026, ayon kay Information Officer Jay J. Gallegos sa programang Kapehan at Kwentuhan sa Cabatuan, Pebrero 18.

Batay sa resulta ng Early Language Literacy and Numeracy Assessment na isinagawa sa 2,327 mag-aaral na nasa ika-3 baitang noong 2024, nakapagtamo ng 54.46 porsyentong resulta, mas mataas kung ikukumpara sa 45.60 porsyento na naitala noong 2022.

Ayon kay Gallegos, hindi dapat ito ikatuwa bagama’t tumaas, dahil malayo pa rin ito sa kanilang target na 75 porsyento.

“Ito ay malaking improvement sa SDO Isabela, pero hindi dapat tayo magsaya, dahil ang 54.46 [percent] ay malayo pa sa ating hinahangad na 75 percent na literacy at numeracy level,” wika ni Gallegos.

Ayon kay Gallegos, sa kasalukuyan, may isinasagawang interventions ang SDO Isabela upang masiguro na maiangat at matamo ang target na iskor sa literacy at numeracy, tulad ng Project Rereads.

Dagdag pa niya, inaaral at ina-adapt na nila ang programang “Master Teacher Circle” ng Sto. Nino Elementary School na isa sa paaralan na nakapagtamo ng pinakamataas na iskor sa Ilocano literacy.

Wika ni Gallegos, mayroong monitoring and evaluating team na nagsasagawa ng monthly and quarterly evaluations, upang masiguro na naipapatupad nang mabuti ang mga programa ng dibisyon.

“Kung pursigido, sigurado lagpas sa 75 percent,” ipinunto ni Gallegos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *